Paano ginagamit ng Google ang pagkilala sa pattern

Paano ginagamit ng Google ang pagkilala sa pattern upang bigyang-kahulugan ang mga larawan

Hindi “nakikita” ng mga computer ang mga larawan at video gaya ng kung paano ito nakikita ng mga tao. Kapag tumingin ka sa isang larawan, maaari mong makita ang iyong matalik na kaibigan na nakatayo sa harapan ng kanyang bahay. Para sa isang computer, ang parehong larawang iyon ay isang pangkat lang ng data na maaaring bigyang-kahulugan bilang mga hugis at impormasyon tungkol sa mga value ng kulay. Bagama't ang computer ay hindi magkakaroon ng reaksyon katulad mo kapag nakita mo ang larawang iyon, maaaring sanayin ang computer upang makakilala ng ilang partikular na pattern ng kulay at hugis. Halimbawa, maaaring sanayin ang computer upang makilala ang mga karaniwang pattern ng mga hugis at kulay na bumubuo sa isang digital na larawan ng isang landscape gaya ng beach o ng isang bagay gaya ng kotse. Tinutulungan ng teknolohiyang ito ang Google Photos na ayusin ang iyong mga larawan at binibigyang-daan nito ang mga user na maghanap ng anumang larawan sa pamamagitan ng simpleng paghahanap.

Maaari ding sanayin ang computer upang makilala ang mga karaniwang pattern ng mga hugis at kulay na bumubuo sa isang digital na larawan ng isang mukha. Tinatawag ang prosesong ito bilang pagtukoy ng mukha, at ito ang teknolohiyang tumutulong sa Google upang protektahan ang iyong privacy sa mga serbisyong tulad ng Street View, kung saan sinusubukan ng mga computer na tukuyin at pagkatapos ay i-blur ang mga mukha ng sinumang tao na maaaring nakatayo sa kalye noong dumaan ang kotse ng Street View.

Kung gusto mo ng mas advanced na paliwanag, ang parehong teknolohiya ng pagkilala sa pattern na nagpapagana sa pagtukoy ng mukha ay maaaring makatulong sa computer na maunawaan ang mga katangian ng mukhang natukoy nito. Halimbawa, maaaring may ilang partikular na pattern na nagpapahiwatig na nakangiti o nakapikit ang isang mukha. Magagamit ang impormasyong tulad nito upang makatulong sa mga feature tulad ng mga suhestyon na pelikula ng Google Photos at iba pang effect na ginawa mula sa iyong mga larawan at video.

May katulad na teknolohiya ring nagpapagana sa feature na pagpapangkat ng mukha na available sa Google Photos sa ilang partikular na bansa, na tumutulong sa mga computer na tumukoy ng magkakatulad na mukha at pagpangkatin ang mga ito, na nagpapadali sa paghahanap at pamamahala ng mga larawan ng mga user. Magbasa pa tungkol sa pagpapangkat ng mukha sa Help Center ng Google Photos.

Paano gumagana ang Paghahanap Gamit ang Boses

Sa Paghahanap Gamit ang Boses, makakapagbigay ka ng boses na query sa isang client application ng paghahanap sa Google sa isang device sa halip na i-type ang query na iyon. Gumagamit ito ng pagkilala sa pattern upang i-transcribe sa nakasulat na text ang mga binigkas na salita. Ipinapadala namin sa mga server ng Google ang mga pagbigkas upang matukoy kung ano ang iyong sinabi.

Para sa bawat boses na query na ginagawa sa Paghahanap Gamit ang Boses, sino-store namin ang wika, ang bansa, at ang hula ng aming system sa kung ano ang sinabi. Pinapanatili namin ang mga pagbigkas upang mapahusay ang aming mga serbisyo, pati na rin upang sanayin ang system para makilala nang mas mahusay ang tamang query sa paghahanap kung ibinigay mo ang iyong pahintulot sa naturang paggamit ng data. Hindi kami nagpapadala sa Google ng anumang pagbigkas maliban kung nagsaad ka ng layuning gamitin ang function na Paghahanap Gamit ang Boses (halimbawa, pagpindot sa icon na mikropono sa bar ng mabilisang paghahanap o sa virtual na keyboard o pagsasabi ng "Google" kapag isinasaad ng bar ng mabilisang paghahanap na available ang function na Paghahanap Gamit ang Boses.

Mga app ng Google
Pangunahing menu